Tuesday, February 13, 2007

Juan Night Stand sa CineKatipunan

Mag-Juan Night Stand na sa bisperas ng araw ng mga Puso!

Ikaw ba ay nalolongkot at walang makausap? Pwes, sugod na sa
Cinekatipunan at maki-Juan Night Stand sa mga pelikula na
kinatatampukan ng ating paboritong indie film hero, si Rox Lee!

Silipin ang masayang mundo ni Roxlee at ng Sinekalye sa mga pelikulang
"Juan Gulay", tungkol sa isang vegetarian na kumakain lamang ng karne
tuwing Mahal na Araw; "Juan Toga", isang gradweyt na nagkasakit nang
sinuot ang kanyang toga; "Juan Gapang"; isang mamang pagapang-gapang
sa Maynila upang hanapin ang kanyang destiny; "Juan Orasan", isang
manggagawang galit sa bundy clock; at "Juan Kaliwa", tungkol sa isang
mama na nakipagtalik sa puno bago tumungo sa polluted na lungsod.
Ipapalabas sa ika-13 ng Pebrero ang programa. Lahat ng mga pelikulang
tampok sa gabing ito ay katha ng mga kasapi ng Sinekalye.

Ang Sinekalye ay isang grupo ng mga independent filmmakers, visual
artists at musicians na nagnanais palawakin ang impluwensiya ng
independently- produced, Proudly-Philippine made na art sa Pilipinas.
Kasama sa vision na ito ay dalhin ang sining sa sambayanan- at saan pa
ba pinakamainam na abutin ang sambayanan kundi sa kalye? Mula Leyte
hanggang Mountain Province hanggang Singapore, bitbit lamang ang LCD
projector, mga pelikula, at isang telang puti upang paglapatan ng mga
gumagalaw na imahe, naipararanas ng Sinekalye sa ating mga kababayan
ang kapangyarihan ng sining. Libre ang lahat ng palabas at mga
workshop, na itinatanghal sa kalsada, sa basketball court, sa parking
lot, sa bundok, at kung saan-saan pa. Kaakibat ito ng paniniwala ng
Sinekalye na ang sining ay para pagsilbihan ang masa at pasayahin ang
buhay.

Magkakaroon din ng pagkakataong makilala si RoxLee at mapanuod siya sa
isang natatanging musical number. Kaya ano pang inaantay niyo?
Makipagtalik sa sining ngayong araw ng mga puso at baka mahanap niyo
na ang tru lab niyo! Free admission ito kaya walang palusot!

Ang programa ng Sinekalye Films ay ongoing sa Cinekatipunan ng Mag:net
Katipunan tuwing Martes/ Huwebes, ika-5 ng hapon buong Pebrero. Ang
mga filmmaker ay dadalo sa pagpapalabas. Kung kayo ay may mga
katanungan makipag-ugnayan na lamang sa Cinekatipunan o sa Sinekalye c/o
Ruel Lozendo(0917-2407911) . Ang Cinekatipunan ay dinaraos bago ang mga
pagtatanghal ng mga emerging at sikat na musicians sa Pilipinas. Ang
Mag:net Café ay nasa Katipunan Avenue, harap ng Miriam College at
Ateneo University. Maari rin kontakin ang Mag:net Katipunan sa
www.magnet.com. ph o sa telepono 929-3191.

Kitakits! Pwede magdala ng date/nililigawan/ papakasalan. At kung
single, magsuot ng pulang laso o necktie!

No comments: